Lumalalim ang mga sugat na likha ng gulo sa NCAA. At tila lalala pa ito bago ito luminaw.
Nagsimula ang lahat ng isampa ng NCAA management committee (Mancom) ang utos na suspindihin si Yousif Aljamal ng San Beda.
Ayon sa ilang miyembro ng Mancom, hindi daw nakapag-paalam ang 2006 NCAA Finals MVP na sasali siya sa PBA Rookie Camp at Rookie Draft noong araw ng Linggo. Lunes, lumabas ang suspension order.
Nagtataka ang ilang miyembro ng komunidad ng NCAA kung bakit hindi agad lumabas ang banta ng suspension.
Nasa lahat ng pahayagan na kasali sa Rookie Camp si Aljamal. Ang tanong: bakit di naayos ng maaga ang gusot, o nabulungan man lamang ang Red Lions na magpaalam ng mabuti?
Pangalawa, magkaiba ng interpretasyon ang San Beda at Mancom. Ayon sa San Beda, scrimmage lamang at hindi torneo ang nilahukan ni Aljamal.
Ayon sa Mancom, “organized play” ang Rookie Camp.
“Once you put on your basketball shoes and hold a basketball, you’re playing,” ang bitaw na salita ni Henry Atayde, Mancom representative ng College of St. Benilde. Doon nagkagusot.
Pangatlo, itinaon ba ang suspensyon dahil maghaharap ang Jose Rizal University at San Beda? Kasalukuyang nasa pangatlong puwesto ang Heavy Bombers, at kung bumaba ang Red Lions, makakapasok sa pangalawang puwesto ang JRU, at magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa Final Four. Huling nagkampeon ang JRU sa NCAA noong 1972.
“I don’t know anything about that,” sabi ni JRU head coach Ariel Vanguardia. “All those matters are handled by our Mr. Paul Supan (chairman ng Mancom at kinatawan ng JRU).
Sunod dito, umapela ang San Beda sa NCAA Policy Board, na binubuo ng mga pangulo ng pitong miyembrong paaralan. Ibinaba ang suspensyon mula buong season hanggang tatlong laro na lamang. Subalit may nakakasang Temporary Restraining Order mula sa Manila Regional Trial Court ang San Beda, kaya nakapaglaro si Aljamal. Nagwagi ang San Beda laban sa JRU.
Noong Biyernes, tinangka ng San Beda na makakuha pa ng mas mahabang TRO (20 days), dahil paso na ang naunang TRO. Tinanong ko si Atayde kung ano ang mangyayari kung sakaling mainis ang San Beda at umatras na lamang sa NCAA.
“Well, we would be very sad if that happens,” ang kanyang sagot. “In fact, we are very sad with everything that’s happened already.”
Lumabas na sa mga pahayagan na ilang NCAA member schools ang nagmungkahing huwag na lamang ituloy ang season. Malaking problema iyan, dahil may kontrata sila sa ABS-CBN. Malaking isyu iyan, kung sakali.
Ilan na ang nagtext sa inyong lingkod, mga taong nagsasabing alumni sila ng SBC at JRU. Lahat ay nalulungkot, at halos lahat ay iisa ang tanong.
Sino ba ang makikinabang sa mga nangyayari?