Pacquiao matikas pa rin, Kahit atrasado na sa training
Sa kabila ng pagkakahuli sa kanyang preparasyon, taglay pa rin ng Filipino boxing hero na si Manny Pacquiao ang dati niyang tikas.
Sa isang sparring session na pinanood ng kanyang kumpareng si World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Gerry Peñalosa sa RWS Boxing Gym sa Cebu City, ipinakita ni Pacquiao ang kanyang pamatay na porma.
“Nakikita ko na nasa kondisyon na si Manny kahit medyo atrasado siya sa ensayo,” wika ng 35-anyos na si Peñalosa sa 28-anyos na si Pacquiao.
Kasalukuyang pinaghahandaan ni Pacquiao, ang World Boxing Council (WBC) International super featherweight titlist, ang kanilang rematch ni Mexican boxing legend Marco Antonio Barrera na nakatakda sa Oktubre 6 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
At bilang preparasyon, nakikipag-ensayo na si Pacquiao sa kanyang mga Mexican sparmates na sina David Rodela at Raymundo Beltran.
“Nandoon pa rin ‘yung hand speed ni Manny and power, kaya in two weeks siguradong ready na si Manny sa laban,” sabi ni Peñalosa.
Pinasuko ni Pacquiao si Barrera, inagawan ni Juan Manuel Marquez ng WBC super featherweight crown noong Marso sa Las Vegas, sa kanilang “People’s Featherweight Championship” noong Nobyembre ng 2003 sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Ang rematch kay Pacquiao ang sinasabi ni Barrera na huli niyang laban bago tuluyang isabit ang kanyang mga boxing gloves.
“Sabi ni Manny hindi na niya bibigyan si Barrera ng chance sa kahit anong round dahil gusto niyang patunayan na siya pa rin ang nagdodomina kay Barrera,” dagdag ni Peñalosa. (R. Cadayona)
- Latest
- Trending