Katatagan sa unahan asam ng UE Warriors
Markado na ang University of the East na naka-sweep ng unang round ng eliminations kaya lahat ng teams ay determinadong bumawi sa kanila at ang unang magtatangka ay ang Far Eastern University sa pagbubukas ngayon ng ikalawang round ng UAAP men’s basketball championships sa pagdako ng aksiyon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Tampok na laro ang sagupaan ng UE Red Warriors at ng FEU Tamaraws sa alas-4:00 ng hapon at bago ito ay ang engkwentro ng Ateneo de Manila University at ng Adamson University sa alas-2:00.
Inilampaso ng East ang Far Eastern sa kanilang unang pagkikita, 89-60 at hangad nilang maduplika ito sa tulong nina veterans Mark Borboran, Kelvin Gregorio, Marcy Arellano at James Martinez.
Itataya nila ang kanilang malinis na record na 7-0 na nasa tuktok ng team standings laban sa Tamaraws na hangad makakalas sa three-way tie sa 4-3 record kasama ang defending champion University of Santo Tomas at ang ADMU Blue Eagles sa likod ng solong second placer na De La Salle University na may 5-2 kartada.
Hangad naman ng Ateneo na makabangon sa dalawang sunod na talo laban sa AdU Falcons na nais namang maka-ahon sa ikalawa sa huling posisyon matapos maka-isang panalo sa pitong laro sa first round.
- Latest
- Trending