Bernardino, iluluklok sa PBAPC Hall of Fame
Iluluklok sa sarili nilang Hall of Fame ng PBA Press Corps ang yumaong si Emilio ‘Jun’ Bernardino sa pagdaraos ng 14th edition ng taunang PBA Press Corps Award Night sa Agosto 12, sa Bayview Park Hotel sa Manila.
Ang PBA top honcho mula 1994-2002 na si Bernardino, two-time winner ng PBAPC Executive of the Year, ay yumao noong Marso 24. Ngunit ang mga naging kabahagi ng Corps member sa tinaguriang “Kume” ay iluluklok siya sa Hall of Fame bilang pagbibigay parangal sa dating PBA executive, kung saan ipinangalan ang PBA Philippine Cup Perpetual Trophy.
Ang pagluluklok kay Bernardino ay isa sa pinakatampok na eksena sa awards night, kung saan sina Jong Uichico ng Barangay Ginebra at PBA board chairman Ricky Vargas ang pangunahing contender sa Coach of the Year at Executive of the Year award.
Ang iba pang contender ay sina Tim Cone ng Alaska at Derrick Pumaren ng Talk N Text para sa Baby Dalupan Trophy, habang si commissioner Noli Eala ang pinakamahigpit na kalaban ni Vargas sa Danny Floro Trophy.
Ang iba pang parangal na igagawad sa San Miguel-sponsored PBAPC bash ay ang Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes, Comeback Player of the Year, the All-Rookie Team at Referee of the Year.
- Latest
- Trending