Bulls magpapatatag sa liderato

Ikapitong sunod na panalo para manatili sa No. 1 position. Labing isang personalidad ang pararangalan.

‘Yan ang mga numero ngayong araw ng Pasko ng Pagkabuhay sa pagbabalik aksiyon ng Talk N Text PBA Fiesta Cup sa Araneta Coliseum.

Nais ng defending champion Red Bull na maging matatag ang kapit sa liderato sa pakikipagharap sa paboritong Barangay Ginebra na hindi pa rin makakaasa sa serbisyo ni Rudy Hatfield.

Alas-6:30 ng gabi ang engkwentro ng Ginebra at Red Bull na inaasahang magiging matensiyon pagkatapos ng isang oras na seremonya para sa pagtatalaga ng 10- Hall of Famers sa pangunguna ni coach Ron Jacobs at pagpaparangal sa yumaong si dating Commissioner Jun Bernardino na sisimulan ng alas-5:30.

Mauuna rito ay ang sagupaan ng Welcoat (2-4) at ng Purefoods (2-5) sa alas-3:30.

Kasalukuyang namamayagpag sa tuktok ng team standings ang Bulls na may 6-1 kartada tampok ang kanilang anim na sunod na panalo ngunit nakabuntot lamang ang Gin Kings na may 5-2 kartada katabla ang mga walang larong Alaska at Air21.

Kung mananalo ang Gin Kings ay sasaluhan nila sa liderato ang Red Bull ngunit may kahirapan ito dahil hindi pa bumabalik sa bansa si Rudy Hatfield na umuwi ng Amerika upang asikasuhin ang problema sa kanyang mapapangasawa.

Dahil umiiwas sa problema sa kanyang kandidatura, minabuti ng Pampanga incumbent vice governor na si coach yeng guiao na mag-coach muna sa sidelines kaya’t maari itong samantalahin ni Gins coach Jong Uichico.

Ipapangalan kay Bernardino ang Perpetual Cup, ang tropeong ibibigay sa All-Filipino champion team ng tatlong sunod na taon.

Kabilang sa second batch ng inductees sa Hall of Fame ay sina league pioneers Manuel Paner, two-time Most Valuable Player (MVP) Alberto Guidaben at Danny Florencio, at officials Domingo Itchon, ang PBA founding president, dating basketball god-father Danding Cojuangco, coach Dante Silverio, ang import na naging coach na si Norman Black, Tony Siddayao, Dean ng local sportswriting fraternity, at premiere broadcaster Pinggoy Pengson. (M.Balbuena)

Show comments