Matagumpay na naidepensa ni Mexican Jhonny Gonzales ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt laban kay challenger Columbian Irene Pacheco sa pamamagitan ng isang 9th round TKO kahapon sa Tucson, Arizona.
Si Gonzales, may ibinabanderang 34-5 win-loss ring record kasama ang 29 knockouts, ang sinasabi ng Golden Boy Promotions na kanilang ilalaban sa 34-anyos na si Penalosa.
Ayon kay Golden Boy Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer, si Penalosa ang ‘logical choice’ upang hamunin si Gonzales.
"Siguro kung mabibigyan ulit ako ng pagkakataon ng Golden Boy, talagang hindi ko na ito pakakawalan. Patay na ito kung patay," sabi ni Peñalosa.
Nanggaling si Peñalosa, dating naghari sa super flyweight division ng World Boxing Council (WBC), sa isang pagkatalo kay Mexican world super bantamweight champion Daniel Ponce De Leon noong Marso 17.
Matapos ang naturang laban, hindi na isinama ng kampo ni Ponce De Leon ang isang rematch kay Peñalosa.
Si Peñalosa ay nakatakdang magtungo saUnited States sa susunod na linggo upang personal na saksihan ang international super featherweight fight ng kanyang kumpareng si Manny Pacquiao kay Mexican Jorge Solis sa Abril 14 sa Alamodome sa San Antonio, Texas. (Russell Cadayona)