Knockout ang laban ni Pacquiao sa pagka-congressman sa South Cotabato

 Isang knockout laban sa mas malakas na kalaban. 

Ito ang nakikitang mangyayari ni Atty. Franklin Gacal, legal counsel ni Filipino boxing hero Manny Pacquiao, sa banggaan nina "Pacman" at incumbent Rep. Darlene Antonino-Custodio para sa Congressional seat ng South Cotabato sa eleksyon sa Mayo 14. 

"Ang kalaban ni Manny ngayon ay talagang literally running scared, and I think this will be an upset and we are expecting a knockout kumbaga sa boxing," wika kahapon ni Gacal. 

Si Gacal ang personal na magsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) ng 28-anyos na si Pacquiao ngayong linggo sa Koronadal City, halos 45 minuto ang layo sa South Cotabato, bago ang itinakdang deadline sa Marso 29. Si Pacquiao ay kasalukuyang naghahanda sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California para sa pagdedepensa niya ng kanyang suot na World Boxing Council (WBC) International super featherweight title laban kay Mexican Jorge Solis. 

Bago magdesisyon sa pagtakbo sa Congressional seat ng South Cotabato, tinarget muna ni Pacquiao ang pagiging Mayor ng General Santos City na pinamamahalaan ng kumpare niyang si Mayor Pedro Acharon, Jr. 

Kamakailan ay naghayag si Acharon na hindi niya bibigyan si Pacquiao ng isang "Hero’s Welcome" sakaling talunin nito ang 27-anyos na si Solis sa Abril 14 sa Alamodome sa San Antonio, Texas. 

"Nagbago siya ng statement, and he is denying that story. He said na bibigyan niya si Manny ng Hero’s Welcome sa General Santos City," paglilinaw ni Gacal sa pahayag ni Acharon. (Russell Cadayona)  

Show comments