Ngayong binawi na ang pagbabawal sa bansa na makalahok sa mga FIBA--sanctioned tournaments, makakapagsimula na uli ang Pinas.
At ito ay nangyari kahapon nang sa kauna-unahang pagkakataon ay natipon ang 12-man All-pro RP Team ni coach Chot Reyes sa Moro Lorenzo Gym sa loob ng Ateneo Campus.
Sumipot ang siyam na regular team members at dalawang alternates sa unang ensayo ng Pambansang koponan na inasahang magbabalik sa bansa sa mapa ng Olimpiyada.
Dumating sina Dondon Hontiveros, Kerby Raymundo, Ranidel de Ocampo, Jimmy Alapag, Asi Taulava, Tony Dela Cruz, Mick Pennisi at Danny Seigle na hindi nakisali sa sesyon dahil mayroon itong sakit.
Nakibahagi naman sa drills at workouts sina Enrico Villanueva at Romel Adducul. Hindi sumipot sina Jayjay Helterbrand, Mark Caguioa at ang mga alternates na sina Rafi Reavis at Rudy Hatfield.
Parating pa lamang sina Helterbrand, Reavis at Caguioa mula sa Amerika habang may ensayo naman ang Ginebra kaya hindi nakarating si Hatfield.
"Our practice today is all about shooting, foot-works and conditioning," pahayag ni Reyes na sinamahan nina coach Norman Black, Binky Favis at ng trainor na si Dennis Aenlle.
Sinimulan ang ensayo sa pamamagitan ng isang oras na stretching at drills na sinundan ng isang oras ding workout sa weights room at pagkatapos nito ay shooting.
Ayon kay Reyes, magkakaroon ng 13 sesyon ang RP team sa loob ng tatlong linggo hanggang sa Marso 28 bago tumulak sa U.S. Nakatakdang umalis ang Pambansang koponan patungong Los Angeles para sa 12-araw na training camp bago sumabak sa isang European tournament. (Mae Balbuena)