Pangako kay Bautista tinupad ni Dela Hoya

Tinupad na ni Oscar Dela Hoya ng Golden Promotions ang kanyang pangako kay Filipino boxing sensation Rey "Boom Boom" Bautista. 

Pormal na inihayag ng Golden Boy Promotions ang pagtatampok kay Bautista bilang supporting bout sa pagdedepensa ni Dela Hoya sa kanyang world junior middleweight crown kay Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 5 sa MGM Grand Hotel sa Las Vegas, Nevada.  

Bilang supporting bout sa Dela Hoya-Mayweather championship fight, sasagupain ng 20-anyos na si Bautista si Sergio Manuel Medina ng Argentina sa eliminator para sa World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title. 

Tangan ni Bautista ng Tagbilaran City, Bohol ang matinding 22-0 win-loss ring record tampok ang 17 knockouts, samantalang dala naman ni Medina ang 28-0 (16 KOs). 

Matatandaang bago pa man labanan ni Bautista si Mexican Marino Montiel Gonzales noong nakaraang Sabado sa Cebu City ay pinangakuan na siya ni Dela Hoya na ibibilang sa undercard sa kanyang engkuwentro kay Mayweather. 

Nakatakdang magtungo si Bautista, kasama si AJ "Bazooka" Banal, sa Puerto Rico sa Marso para makasabay si Dela Hoya sa pag-eensayo sa ilalim ni American trainer Freddie Roach. 

Tangan ng 17-anyos na si Banal, pinabagsak si Komrit Evereadygym ng Thailand sa first round ng kanilang super flyweight bout noong Sabado sa Cebu City, ang 13-0 record kasama rito ang 10 KOs. 

Kasalukuyan pa ring naghahanap ang Golden Boy ng maitatapat kay Banal, sinasabi ni Roach na magiging isa ring world boxing champion. (Russell Cadayona)

Show comments