Actually hindi ko napanood yung eksenang yun na naging dahilan ng pagpapatalsik kay Guiao. Wala akong maisagot sa mga nagtatanong.
Ayon sa ilang report, sinangga lang ni Yeng ng kanyang mga braso ang na-out-of-balance si Dondon na ang kita ng mga manonood ay siniko niya ito. Hindi natin alam ang tunay na kuwento, dahil tiyak na kani-kanilang paliwanag yan.
Pero isa lang ang sigurado, malalaman natin kung bakit dahil tiyak na ipapatawag si Guiao ni PBA commissioner Noli Eala dahil doon.
Masyadong mainit ang serye na ito sa pagitan ng Beermen at Barakos dahil hindi talaga natatapos ang laban nang walang gulong nagaganap. At nang gabing iyon, nanalo ang Red Bull kung saan nakahirit sila ng Game 7.
At dahil sa may Game 7 tiyak na mas magiging mainit ang bakbakan ng dalawang ito sa Miyerkules. Iyan ang tiyak na tiyak!
Ito ay dahil sa nakapasok na ang Barangay Ginebra sa finals. Magigiba ng husto ang Araneta kahit sinong makalaban ng Gin King sa Finals. Kitang-kita naman kasi na kapag may Ginebra game doon lamang pumuputok sa tao ang Coliseum.
Aminin man nila o hindi Ginebra lang ang nagpapasigla ng PBA. Hindi ko nga alam kung anong karisma mayroon ang Ginebra at hanggang ngayon ay talagang marami pa rinang die hard fans nito.
Kasi noon sabi nila gawa ni Robert Jaworski. Pero matagal nang wala sa eksena si Jawo hanggang ngayon ay solid pa rin at talagang umaapaw at dinudumog ang bawat laban ng Ginebra.
Eh di lalo na ngayong nasa finals sila. Pahirapan na naman ng tickets! Tsk tsk tsk!
San Miguel Beer ba o Red Bull? Parehong may fans din ang dalawang team na ito kaya kahit sino sa kanilang dalawa ay talagang tiba-tiba ang PBA pagdating ng Finals.