Peñalosa lalabanan si Ponce de Leon

Pumayag na rin si dating world super flyweight champion Gerry Peñalosa na hamunin si world super bantamweight titlist Daniel Ponce De Leon.

Ang Peñalosa-Ponce De Leon championship fight ay ang magiging main support bout sa Marco Antonio Barrera-Juan Manuel Marquez super featherweight fight sa Marso 17 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Si Ponce De Leon, isa ring kaliweteng boksingero katulad ng 34-anyos na si Peñalosa, ang kasalukuyang super bantamweight ruler ng World Boxing Organization.

Matatandaang inialok ni American trainer Freddie Roach kay Peñalosa, dating naghari sa super flyweight division ng World Boxing Council (WBC), ang laban kay Ponce De Leon noong nakaraang linggo.

Naniniwala si Roach, trainer ni WBC International super featherweight king Manny Pacquiao, na ang istilo ni Peñalosa ang siyang magtatanggal ng korona kay Ponce De Leon.

"May mga kinonsulta na akong malalaking tao sa boxing, pero kailangan ko nang magdesisyon para sa boxing career ko," ani Peñalosa ng Cebu City. "Hindi na ako bumabata, kaya dapat lumaban na ako sa championship."

Tangan ni Peñalosa ang 51-5-2 win-loss-draw ring record, tampok rito ang 34 knockouts, samantalang dala naman ni Ponce De Leon ang 30-1 (28 KOs).

Pormal na ihahayag ni Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions ang super bantamweight championship fight nina Peñalosa at Ponce De Leon matapos lumagda ang Filipino warrior ng kontrata.(RCadayona)

Show comments