NBA All-Stars: alam mo na

Halos masasabi na natin na maaga pa kung sino ang masasama sa NBA All-Star Game bilang starters. Bago pa man nagsara ang botohan, sigurado na ang karamihan ng mga pinili.

Si LeBron James ng Cleveland Cavaliers at Yao Ming ng Houston Rockets, gaya ng inaasahan, ang nanguna sa botohan, bagamat humina sa bandang huli si Yao dahil hindi siguradong maglalaro siya. Nalikom ni James, ang 2006 NBA All-Star Game Most Valuable Player sa Houston, ang 2,516,049 votes, pangalawang pinakamataas sa kasaysayan, kasunod ng 2005 total ni Yao na 2,558,278. Nakuha naman ni Yao ang 2,451,718 votes, pang-apat na pinakamataas.

Nalusutan naman ni Gilbert Arenas ng Washington si Vince Carter ng New Jersey para sa starting guard spot sa pamamagitan ng 1,454,166 votes laban sa 1,451,156 ni Carter, o diperensya lamang ng 3,010 boto. Ang pinakadikit na botohan ay ang mga sumusunod: 1990, A.C. Green laban kay Karl Malone (1,226 votes); 1984, Kareem Abdul-Jabbar lumusot kay Ralph Sampson (1,817 votes); at noon ding 1990, John Stockton vs. Derek Harper (2,562 votes).

Nakuha naman ni Dwyane Wade ng Miami ang isa pang East starting guard spot sa kanyang 2,029,591 votes, habang ang kakamping si Shaquille O’Neal (1,622,446) ay hinirang sa kanyang ika-14 na sunod na All-Star team. Tinabla ni Shaq si Los Angeles Lakers guard Jerry West (1961-1974) at Utah Jazz forward Karl Malone (1988-2002) sa pinakamaraming sunod na paglahok sa All-Star Game. Ang pinakamarami pa rin pangkalahatan ay si Kareem Abdul-Jabbar, na may 19. 

Samantala, pumasok din si Chris Bosh ng Toronto, dahil sa kanyang 22 points, 11 rebounds at 1.3 blocks per game.

Sa West sasamahan sana si Yao ng kakamping si Tracy McGrady (1,942,796 votes), na papasok sa kanyang ika-pitong All-Star Game. Mula sa San Antonio, si Tim Duncan (na gaya ni McGrady ay nagtala ng 37 points sa San Antonio-Houston game noong isang gabi), ay nakalikom ng 1,436,584 votes at napili sa All-Star Game bawat taon mula nang pumasok siya sa liga noong 1997. Kabilang din si Kevin Garnett (1,616,575 votes), na naging All-Star Game MVP noong 2003. Ang Lakers guard na si Kobe Bryant, na may 2,138,777 fan votes (at pinakabatang All-Star sa kasay-sayan noong 1998) ay naboto din na maglaro sa Las Vegas.

Sa pagpili ng reserba, itatala ng mga coach ang dala-wang guard, dalawang forward, isang sentro at dalawang player ng kahit anong posisyon. Kung di makakalaro ang pinili, si NBA commissioner David Stern na ang mamimili ng kapalit.
* * *
Abangan mamayang alas-3 ng hapon ang The Basketball Show: Upgrade sa Basketball TV.

Show comments