Kinailangan ng Magnolia Dairy Ice Cream ang tatlong extra period upang talunin ang tigasing Kettle Korn-UST, 133-128, sa unang playoff round ng knockout phase ng 2007 PBL Silver Cup kahapon sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft Avenue.
Nagbida para sa nasabing panalo ng Spinners ang dating UE Red Warrior na si Bonbon Custodio mula sa kanyang season-high 34 puntos, 3 rebounds at 2 assists, habang nag-ambag naman si Yousif Aljamal ng 27 marka, 12 boards at 2 assists.
"It was a hard fought game, and fortunately for us, we came out the victor," ani coach Koy Banal sa kanilang triple overtime win. "But I have to give my boys the credit for hanging in there."
Ang Sista Super Sealants ang susunod na makakasagupa ng Magnolia sa Huwebes sa EAC Gym kung saan ang mananalo ang siyang aabante sa quarterfinal round.
Itinulak ni Allan Evangelista ang Kettle Korn-UST, tinapos ang kanilang kampanya buhat sa 0-11 rekord, sa ikatlong extension matapos ang kanyang follow up sa huling 17.4 segundo mula sa mintis na drive ni Dylan Ababou para sa 122-122 iskor.
Naitabla ng Pop Kings ang labanan sa 128-128 galing sa dalawang freethrows ni George Dela Cruz kasunod ang tatlong charities nina Custodio, Ogie Menor at 6-foot-8 Nigerian Sam Ekwe para sa 131-128 abante ng Spinners, 2:09 rito.
Ang mintis nina Jojo Duncil at Anthony Espiritu sa posesyon ng Kettle Korn-UST kasunod ang undergoal stab ni Menor ang naglayo sa Magnolia sa 133-128 sa nalalabing 51.3 segundo.
Nauna rito, isang tres ni Pong Escobal sa huling 2.4 segundo ang nagdala sa Spinners sa unang overtime, 86-86, matapos ang split ni Evangelista para sa 86-83 bentahe ng Pop Kings sa 10.5 tikada sa fourth quarter.
Naipuwersa ng Kettle Korn-UST sa pangalawang extension ang laro buhat sa isang buzzer-beating 3-pointer ni Japs Cuan para tumabla sa Magnolia, 109-109.
Bago ang mga ito, isang jumper ni Josh Urbiztondo ang nagbigay sa Pop Kings ng 30-22 lamang sa 1:11 ng first period patungo sa 35-26 paglayo hanggang makabangon ang Spinners sa pag-agaw sa 55-49 abante sa 4:08 ng second quarter.
Pinangunahan ni Evangelista ang Kettle Korn-UST mula sa kanyang team-high 26 puntos kasunod ang 22 ni Duncil at 20 ni Espiritu, tumipa ng dalawang tres sa ikalawang overtime.
Maliban sa Spinners at Super Sealers, maghaharap rin sa ikalawang play-off round ang TeleTech Titans at Cebuana Lhuillier kung saan ang mananalo ang ookupa sa No. 5 at No. 6 seat sa quarterfinals, ayon sa pagkakasunod. (Russell Cadayona)