Wala na talaga!
Muli ay tinanggal ng Basketball Association of the Philippines (BAP) ang kanilang presidenteng si Sen. Jinggoy Estrada ilang araw matapos na makipagkasundo ito kay businessman-sportsman Manny V. Pangilinan hinggil sa pagbuo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Bago ang araw ng paskoy pumayag si Sen. Estrada na maging chairman ng SBP at si Pangilinan naman ang magiging presidente. Katunayan, nakatakda sana ngayong hapon na magdaos ng isang press conference sina Sen. Estrada at Pangilinan sa PLDT Building sa Makati hinggil sa estado ng SBP.
Pero kung hindi na si Sen. Estrada ang presidente ng BAP, ano pa ang saysay ng press conference na iyon. Hindi na niya pwedeng katawanin ang BAP sa pagbuo ng SBP.
Ayon sa BAP, hindi dapat na nakipagkasundo si Sen. Estrada kay Pangilinan nang hindi kinukunsulta ang body ng organisasyong pinamumunuan niya.
Kahit pa presidente siya, kailangan na ipagbigay alam muna niya sa BAP ang anumang desisyong gagawin niya.
Mukhang tama rin iyon kung ang pananaw ng BAP ang titignan.
Pero kapakanan ng basketball sa Pilipinas ang inuna ni Sen. Estrada at hindi kapakanan ng kanyang organisasyon. Hindi bat mas "noble" ang layuning ito.
Kasi nga, kung Philippine basketball ang iuuna sa lahat, dapat ay isinasaisangtabi ang personal na mithiin.
Pero ang gusto ng BAP ay mapreserve ang pangalan nito at patuloy na mabuhay ang 70-taong organisasyon. Tradisyon ang nais na panatilihin ng BAP.
O mayroon pa ba silang ibang agenda?
Hindi natin masasabi.
Hinihiling ng mga tao sa likod ng Pilipinas Basketball na magparaya ang BAP at magkaisa sila sa ilalim ng isang bagong asosasyon. Iniimbita naman ng BAP si Pangilinan upang maging chairman ng kanilang asosasyon na hanggang ngayon ay kinikilala diumano ng FIBA na siyang governing body ng sport na basketball sa mundo.
Pero wala yatang "middle ground" na puwedeng mangyari habang nagpapatigasan ang lahat.
At habang walang unity na nagaganap, walang mangyayari sa pangarap ng Pinoy na makabalik sa Olympics.
Patuloy tayong mananatiling suspindido.
Akala ng karamihan ay maganda ang patutunguhan ng Philippine basketball sa Year of the Pig. Yun palay patuloy tayong magbababuyan at mananatili sa pusali!