Sana lang!!!!

Happy New Year sa lahat ng ating mga masusugid na readers. Ito ang paunang pagbati ng inyong lingkod para sa taong 2007.

Natapos na ang 2006 pero tila hindi pa rin iniiwan ng ilang sports association leaders ang kontrobersiya at pangit na outlook sa kanilang asosasyon.

Matay ko man isipin, hindi ko pa rin maintindihan ang ilang sports officials na matitigas ang ulo at ayaw magpaubaya para sa ikabubuti at ikatatahimik ng kanilang asosasyon.

Laging idinadahilan ang pagmamahal sa naturang sports pero, hindi naman maipakita ang tunay na kahulugan ng pagmamahal dahil hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang ginugulo ang NSA na ito at ayaw pa ring bumitiw na parang tuko kung kumapit.

Maraming players na ang nadamay dahil sa ‘pagmamahal’ kuno nila sa sports na hinahawakan.

Kung tutuusin, noong nag-cover ako sa Doha Asian Games, maraming Pinoy doon ang hindi na nagtanong kung bakit wala ang sports na iyon sa Asian Games.

Ang dahilan? Alam na nilang masalimuot ang naturang asosasyon at punumpuno ng kontrobersya at gulo.

Ang tanging tanong nga nila sa akin noon ay " Bakit ba ayaw nilang tantanan o tigilan na ang gulong ‘yon para naman makabalik uli sa senaryo ng international competition?"

Wala akong maisagot dahil maging ako mismo ay puno ng katanungan tungkol sa kanila.

Bakit nga ba?

Haay talagang hindi ko sila maintindihan at pati na rin ang ating mga kababayan hindi lamang dito sa Pinas kundi maging sa ibang bansa ay gulung-gulo na rin ang isip sa mga opisyal na ito.

IIsa lang ang wish ko ngayong Bagong Taon, sana ay tigilan na ang pagmamatigas ng ilang opisyal upang maipakita nila ang tunay na kahulugan ng ‘pagmamahal’ sa sports na kanilang napili.
* * *
Nais ko lang pasalamatan ang lahat ng mga taong nakaalala sa akin noong nagdaang Pasko at Bagong Taon. Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.

Show comments