Ito ang naglalarawan sa 2005-2006 season ng Philippine Basketball Association (PBA) kung saan pinagtibay ang isang two-conference format na pinagharian ng Red Bull at Purefoods.
Sa Game 5 ng kanilang PBA Philippine Cup semifinal series ng San Miguel, nagwalk out si Red Bull coach Yeng Guaio kasama ang mga Bulls ukol sa pagkadismaya sa pamamahala ng tatlong referees.
At ang resulta nito ay ang pagpataw ni PBA Commissioner Noli Eala ng multang P100,000 kay Guiao at P500,000 naman sa Red Bull team, ang naghari sa Fiesta Conference.
Sa okasyon naman ng Mother's Day, isang masamang bagsak ni Purefoods forward Eugene Tejada sa kanilang laro ng Red Bull sa Finals ang naging isa sa mga pinangangambahang insidente sa PBA.
Nangailangan ang 6-foot-4 na si Tejada ng mahabang gamutan at pahinga matapos sumailalim sa isang surgery para iaayos ang kanyang nadislocate na cervical vertebrae c2 c7.
Kasabay ng pagkawala ni Tejada sa panganib ay ang pagkopo naman ng Chunkee Giants ni Ryan Gregorio sa Philippine Cup na tinampukan ng pagiging Most Valuable Player ni James Yap.
Kung ang interes naman ng bansa ang pag-uusapan, nanindigan ang PBA sa pagsuporta sa RP Training Pool ni Chot Reyes sa kabila ng pagkakasuspinde pa rin ng FIBA, ang international cage body, sa bansa bilang miyembro.
Ang lahat ng ito ay kasama sa masigasig na pagtangkilik ng mga manonood sa bawat aksyon ng professional league.
Umakyat sa 74.13 percent ang live attendance sa Metro Manila sa nakaraang PBA season na nagresulta sa 737,782 manonood mula sa 423,701.
Kumita ang liga ng P77 milyon sa 2005-2006 season kumpara sa P37 milyon noong 2004-2005 kasabay ng pagtaas ng total revenues sa P183 milyon buhat sa P157 milyon.
"The gains we built up the past year are just part of the PBA's resurrection," ani Eala. "The fundamentals were laid down by my predecessors and my job, with the help of my fellow governors, was merely to follow up on them and back them up by passing certain policies and procedures."
At para sa 2006-2007 season, dalawang lungsod ang tinitingnan ng PBA para pagtayuan ng permanente nilang tahanan, ayon kay Eala.
Ito ay ang bakanteng lote ng Manila Seeding Bank sa Quezon City at sa Global City sa Taguig. (Russell Cadayona)