Una, dahil sila ang punong-abala, hawak nila ang lahat ng makakaapekto sa ating mga atleta. Naririyan ang pagkain, tubig, tulugan at maging ang tsuper, interpreter at guide ng lahat ng delegasyon. Kung nanaisin nila, puwede nilang iligaw ang ating mga atleta, paratingin ng huli sa kanilang takdang heats, at bigyan ng sari-saring sakit ng ulo. Naway nakikita ito ng ating mga opisyal.
Pangalawa, sila ang mamimili ng sport na ating lalahukan. Natural, walang arnis, na ginaganap lamang tuwing nasa Pilipinas ang SEA Games. Subalit alamin na natin kung anu-ano pa ang mga ibang sport na hindi nila pipiliin dahil mahina sila doon.
Pangatlo, siguradong may dayaang mang-yayari. Sa wastong pananalita, o "politically correct" na termino, "hometown decision".
Huwag nating kalimutan ang mga nangyari na sa atin sa mga nagdaang SEAG, lalo na yung sa Kuala Lumpur noong 1989, kung saan pati ang lahok natin sa tennis ay pinapapalitan pa ng mga organizer. Doon din pinapatayan ng ilaw ang ating basketball team tuwing nagsasanay.
Higit pa rito, alam naman natin na mainit sa atin ang Thailand at Malaysia, dahil madalas natin silang tinatalo sa mga glamor sports tulad ng athletics at martial arts. At bihirang-bihira silang manalo sa atin sa basketbol. Nagtatanim iyang mga iyan ng sama ng loob, di gaya natin na madaling makalimot.
Pero marami namang magandang senyales para sa Pilipinas. Una, hindi aalis si Butch Rami-rez sa Philippine Sports Commission. Kung patuloy silang magkakaisa at magsisipag ng kanyang mga commissioner, gaganda ang takbo ng elite sports dito.
Sunod dito, mukhang tutulong muli ang Unang Ginoo para magpasok ng salapi mula sa pribadong sektor. Kung maipagpapatuloy ang pagsasanay natin sa China, malaking tulong ito, dahil naroroon na ang mga ibang atleta mula sa Vietnam, Thailand at iba pa.
Pag-aralan na natin ang pangmatagalang programa sa sports. Panay ang turo natin sa lehislatura dahil binabawasan nito ang badyet natin sa sports. Subalit marami namang naka-handang tumulong, basta walang pulitika. Bagong Taon na, magbagong-buhay.
Nagbabala na si Mike Keon.
Sanay makinig tayo.