Kung sabagay, parang expected na ng karamihan na magwawagi ang Barangay Ginebra sa Alaska Milk dahil sa hindi pa nabibigo ang Gin Kings sa out-of-town games. Bago ang salpukan nila ng Aces sa Lucena City ay tinalo nila ang nagtatangol na kampeong Purefoods Chunkee Corned Beef sa Dumaguete City, ang Coca-Cola Tigers sa Cabagan, Isabela at ang Sta. Lucia Realty sa Puerto Princesa, Palawan.
Ang tropa ni coach Joseph Uichico ang siyang pinakamainit na koponan sa liga ngayon dahil sa mayroon silang five-game winning streak.
Kumbagay parang nagpi-"peak" ang Gin Kings sa tamang panahon at tila mahirap isiping madidiskaril pa sila. Itoy sa kabila ng katotohanang mabibigat pa ang huling tatlong kalaban nila.
Makakaharap nila ang Sta. Lucia sa Biyernes sa Ynares Center, ang Red Bull sa Disyembre 20 at ang Talk N Text sa araw ng Pasko. Ang tatlong ito ay kabilang sa upper half ng team standings at humihirit pa rin para sa automatic semis berths o di kayay para sa automatic quarterfinals slots.
Ang maganda sa Ginebra ay nag-step up na ang mga manlalarong kinuha nito bago nagsimula ang season. Si Rudy Hatfield ay kundisyong-kundisyon na at nag-aaverage ng double-double. Katunayan, kontra sa Aces, si Hatfield ay nagtala ng 24 puntos, 16 na rebounds at limang assists at siyang pinarangalan bilang "Player of the Game."
Sina Rafi Reavis at Billy Mamaril ay pinakikinabangan na rin nang husto. Nagtulong ang dalawang ito upang punan ang pagkukulang ni Eric Menk na may dinaramdam na back spasms noong Sabado.
At siyempre, ibayong energy ang ibinibigay ni Ronald Tubid na nasungkit naman ng Gin Kings buhat sa Air 21 Express. Kumbagay hindi nababawasan ang energy level ng Gin Kings kapag inilabas ni Uichico ang leading scorer nilang si Mark Caguioa. At paminsan-minsan nga ay pinagsasabay pa ni Uichico ang dalawang ito.
Heto ang siste, sa huling apat na conferences ay dalawang beses na nakamit ng Gin Kings ang automatic semifinals berths. At sa mga pagkakataong iyon ay dumiretso ang Gin Kings at napanalunan ang kampeonato.
Kaya nga inaasahan ng mga Ginebra supporters na kapag nakuha ng Gin Kings ang isa sa dawalang automatic semis slots sa kasalukuyang torneo, magka-kampeon muli ang paborito nilang koponan.
Kaya?