Ilulunsad ang The Basketball Show: Upgrade, at maraming pagkakataon upang magwagi ng mga naiibang premyo. Ang magiging host ng programa ay ang baguhang basketbolistang si Vincent Velasco, sina Bea Atienza at Melanie Martinez (ng NCAA TV coverage), at ang inyong lingkod.
May dalawang pagkakataon para manalo ng Molten basketball sa trivia contest. At, mas pambihira, mga libreng CD eksklusibo mula sa Warner Music Philippines. Paano? Isulat lamang ang pangalan ng inyong paboritong basketball player, at ang paborito ninyong Warner music artist, awit o album, at ipadala sa The Basketball Show: Upgrade. Ang mapipili ay gagawan ng personal na music video ng paborito niyang player.
Sa pambungad na programa, tampok si James Yap ng Purefoods Chunkee Giants sa bagong bersyon ng SlamBook. Ang SlamBook ay tatak na ng The Basketball Show na paulit-ulit nang ginagaya ng mga ibang programa.
Dadalawin din ng programa ang d café, proyekto ni PBA Finals MVP Marc Pingris at ang kasintahan niyang si Danica Sotto. Sinabi ni Pingris na hindi siya habangbuhay na magiging basketbolista, at ngayong napipinto na ang kanilang kasal ni Danica, pinaghahandaan na niya ang kanilang kinabukasan.
Maniniwala ba kayo na ang Nigerian na sentro ng San Beda Red Lions na si Sam Ekwe ay nagigising ng alas-3 ng madaling araw, araw-araw, para magdasal ng dalawang oras? Itoy bago pa man siya gumawa ng kahit ano pang ibang bagay. Sinusundan ito ng ensayo, laro, pag-aaral at iba pang mga obligasyon. Kahanga-hanga, hindi ba?
Ilalabas na rin namin ang mga baby pictures ng inyong paboritong mga player, at kailangang hulaan kung sino sila.
Sa mga susunod na linggo, dadalawin din namin ang bahay ng mga basketbolista, at pati ang kanilang mga sideline at hobby sa labas ng court.
Abangan bukas ang The Basketball Show: Upgrade, alas-3 ng hapon sa Basketball TV. Ito ay hatid sa inyo ng Cebuana Lhuillier, Pera Padala, Warner Music Philippines, Molten, Air21, Coca-Cola Export Corporation, at Vivian Sarabia World of Optics.