At habang sinusulat ang balitang ito, nakikipagtumbukan ang dalawa sa semifinals na maaring magtakda sa all-Filipino finals na magbibigay ng unang gintong medalya sa bansa.
Hindi ininda ang pananakit ng tiyan, tinalo ng 46 anyos na si Andam si Amnuayporn Chotipong ng Thailand, 9-8 habang pinayuko naman ni Gabica si Alok Kumar ng India, 9-6 sa 8-Ball pool tournament na ginaganap sa Al-Sadd Multi-Purpose Hall.
Makakaharap ni Andam si Satoshi Kawabata ng Japan para sa makakuha ng posisyon sa finals habang makikipagsarguhan naman si Gabica kay Huang Kunchang.
Tanging si Huang na lamang ang nalalabi sa malakas na Taiwanese team sa 8-Ball makaraang mabigo ang pinapaboran at dating World Pool champion na si Wu Chia-ching kay Malaysian Ibrahim Amir, 8-9 sa quarterfinals ngunit yumuko naman si Amir kay Kawabata, 3-9.
"Hindi ako makapokus sa laban ko laban sa Thai dahil nagugutom ako at mas iniintindi ko yung mga amateur rules," ani Andam na hindi nakakain dahil sa mahigpit na schedule ng laro noong Biyernes. "Pero binigyan ako ng tsansa ng kalaban ko na manalo kahit may mga errors."
Tatlong racks ang ipinamigay ni Andam matapos ang penalties sa rule.
Hindi naman naging masuwerte sina South-east Asian Games double gold medallist Rubilen Amit at Mary Ann Basas nang kapwa yumuko sila sa kanikanilang kalaban bago umabot sa medal round.
Yumuko si Amit kay Santhinee Jaisuekul, 7-4 sa round of 16 habang nakarating sa quarterfinals si Basas bago pinatalsik ni Zhou Mengmeng ng Chi-na, 6-7.(DMVillena)