Kawawa ang mga inaanak!

Pagkatapos ng laro ng Red Bull kontra Air 21 kagabi ay tapos na rin ang twogame suspension na ipinataw kay coach Joseller "Yeng" Guiao. Parang ganun lang ‘yon. Nanalo sila laban sa Welcoat noong Miyerkules habang nanonood lang sa telebisyon si Guiao. Kagabi’y malamang na ganoon din ang ginawa niya.

Hitech na ngayon, e. Kung mayroon siyang mapupuna sa itinatakbo ng kanyang mga bata sa hardcourt kontra sa Express, tatawagan lang niya ang isa sa mga assistant coaches niya para sabihin kung anong adjustments ang dapat na gawin.

Hindi naman ito katulad noong araw na walang cellphone at kapag suspindido ang isang coach at hindi puwedeng pumasok sa playing venue, wala na siyang magagawa kungdi manood sa TV. Alangan namang magpakabit ng landline sa tabi ng bench nila noh!

Ngayon ay may 3G na nga ,e. Puwedeng si Guiao na mismo ang magsalita sa mga players niya sa timeout sa pamamagitan ng cellphone.

So, ang suspension sa coach ay balewala. Ang masakit nga lang ay pinagmulta si Guiao ng P65,000.

Pero tapos na nga iyon. Muli siyang makakaupo sa bench ng Red Bull sa Disyembre 17 kung kailan makakasagupa ng Red Bull ang karibal na Purefoods Chunkee Corned Beef na dalawang beses nilang nakaharap sa championship series noong nakaraang season. Maganda pa ang timing ng pagbabalik niya!

E paano naman si Talk N Text team manager Frankie Lim na nakasuntukan ni Guiao sa Tacloban City at napatawan din ng dalawang games na suspension bukod sa P50,000 multa?

Parang ang haba ng suspension ni Frankie dahil sa ang susunod na game ng Talk N Text ay bukas pa kontra sa Air 21 Express. Pagkatapos ay makakaharap nila ang San Miguel sa susunod na Linggo (December 17).

Matagal ngang mawawala si Frankie! Biruin mong noon pang Nobyembre 30 naganap ang insidente sa Leyte pero hanggang December 17 siya mawawala!

Kung sabagay, hindi naman siya coach, e. Parang hindi siya mamimiss ng Talk N Text. Alangan namang dahil suspended si Lim ay hindi na niya gagawin ang office work niya bilang manager ng team. Si Commissioner Noli Eala lang naman ang sumuspindi sa kanya at hindi ang pamunuan ng Talk N Text.

So, hindi lang siya sisipot sa playing venue pero maaayos na niya lahat ng kailangang ayusin. Maibibigay niya ang lahat ng bonuses na nakalaan sa Phone Pals sakaling manalo sila sa susunod na dalawang games.

Nawalan nga lang siya ng P50,000 at iyon ang masakit.

Mababawasan kaya ang pangregalo niya sa mga inaanak niya sa Pasko?
* * *
Happy birthday kay John Ioannis Magno na magdiriwang sa December 11. Belated birthday greetings naman kina Nabas, Aklan vicemayor Amideo Zaldivar (Dec. 4), Judge Maria CarrilloZaldivar (Dec. 5) at dating Darts Council of the Philippines president Dick Odulio (Dec. 8).

HAPPY
anniversary din sa Foreign Service Institute ng Department of Foreign Affairs.

Show comments