GMA nagbigay ng dagdag na insentibo sa mga medalist

DOHA -- Isang magandang balita ito para sa mga atleta. Madadagdagan ang kanilang pagsisikap ngayon na makakuha ng gintong medalya makaraang aprobahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang rekomendasyon ni Bacolod Rep. Monico Puentevella na dagdag na insentibo sa atletang makakapag-uwi ng medalya.

Inatasan ng Pangulo si Ephraim Genuino, PAGCOR chairman na magtabi ng pondo para dito. May insentibo ring ibinibigay ang gobyerno batay sa Republic Act 9064 ang Asian Games gold ay nagkakahalaga P1 million, P500,000 silver medalist at bronze medalist P100,000.

Dahil dito, ang atletang makakapag-uwi ng gintong medalya mula sa Asian Games ay makakapagbulsa ng P1.5M habang ang silver at bronze ay P800,000 at P300,000 ayon sa pagkakasunod.

Sina Eunice Alora at Veronica Domingo, ay meron nang P300,000 makaraang sungkitin ang bronze medal noong Huwebes ng hatinggabi.

Nakakasiguro na rin si Violito Payla at Godfrey Castro ng P300,000 at malamang na tumaas pa ito sa kanyang pagsabak bukas sa semifinals sakaling manalo ang mga ito sa kanilang semis bouts.

Dumalo si Puentevella, first vice-president ng POC sa opening ceremony ng Asiad Games dito noong nakaraang Biyernes at matapos manood ng ilang laro ay agad na umuwi ng Pilipinas. (DMV)

Show comments