Madaling-araw na sa Maynila, natuhog ng dalawang Pinay jins na sina Kathleen Eunice Alora at Veronica Domingo ang dalawang unang bronze medal ng bansa makaraang tumuntong ang dalawang Pinay sa semis ng taekwondo event sa Qatar Sport Club Indoor Hall, bandang alas-10:00 ng gabi (alas-3 ng umaga sa Manila).
Kinailangan ng 19 anyos na si Alora, na dispatsahin si Aisha Al Amer ng Kuwait, 7-0 para umusad sa susunod na round makaraang magbye sa opening round upang makasulong sa quarterfinals laban sa Indon jin na si Putri Juana Wangsa na tinalo niya sa 1-0.
Sinikap ni Alora na maibangon ang nangingitlog na kampanya ng bansa nang mula sa 3-0 abante ng Chinese jin na si Jing Yu Wu ay nagawang magrally ni Alora at makaiskor ng dalawang sunod na naglapit sa 3-2. Ngunit hanggang doon na lang ang lahat dahil tapos na ang oras para sa kanyang pagbalikwas.
Tulad ni Alora, bye din ang magandang 27 anyos na si Domingo sa unang round bago niya tinalo si Carina Hammoud ng Lebanon sa quarterfinals, 5-1 ngunit hindi sinuwerte sa mas matinik na si Chonnapas Premwaew ng Thailand at yumuko sa pamamagitan ng RSC sa ikalawang round, nang umiskor agad ng 7-0 ang kalaban.
Hindi naman naging maganda ang resulta sa kalalakihan nang kapwa yumuko sina John Paul Lizardo at Donald Geisler sa kanilang mga kalaban sa kani-klanilang event. Bagamat walang entry ang kinakatakutang South Korea sa 54 kgs. finweight division, dumaan pa rin sa butas ng karayom ang 20 anyos na si Lizardo bago igupo si Wahid Bin Azim ng Bangladesh para makapasok sa susunod na round.
Magaan niyang tinalo ang Indonesian jin na si Muhammad Dalam Imam, 2-1 ngunit hindi umubra kay Rahim Hameed Ebrahim ng Bahrain, 3-1.
Sinamang-palad naman si Donald Geisler na maagang napatalsik makaraang yumuko kay Patiwat Thongsalap ng Indonesia, 6-3.
Sa kasalukuyan, habang sinusulat ang balitang ito, tatang kain ni Athens Olympian Mary Antoinette Rivero na maisukbit ang gintong medalya sa kanyang pakikipagbalan kay Liya Nurkina ng Kazakhstan sa quarterfinal round. Sasampa din sa mat sina Loraine Lorelie Catalan na nakabye sa round of 16 ng 51 kg. class at Ernesto Mendoza Juan III na lalaban kay Chia Hsing Liao ng Taipei sa 78 kg. Division. (DMVillena)