Ilustre-Pascua duo may pag-asa sa beach volley

DOHA — Inspirado sa hiyawan ng mga kababayan, inihandog ng magaganda at seksing Fil-Am beach volleybelles na sina Heidi Ilustre at Diane Pascua ang kanilang panalo laban sa Kazakhstan duo sa ating mga kababayan dito sa beach volley court ng Sports City.

Nangangatog dahil sa tindi ng lamig ng panahon na umaabot sa 17 degrees, pinayuko nina Ilustre at Pascua sina Marina Storonzheno at Yelena Alenkina ng Kazakhstan sa mahigpit na decider, 21-16, 11-21, 17-15 at makausad sa susunod na round.

"The crowd was wonderful, they were boisterous," wika ni Ilustre na umani ng maraming tagahangang Pinoy OFW, na sinigundahan ni Pascua.

Matapos makuha ang unang set, naging hadlang ang malamig na panahon at nakuhang makabawi ng Kazakhs pair, 21-11.

"Nanginginig na sila sa ginaw at kitang-kitang nangangatog na ang kanilang mga tuhod, pero laban pa rin sila," masayang wika ng isang Pinoy volunteer na nanood matapos ang kanyang oras ng trabaho.

Umiskor ng 37 sa atake ang SEA Games bronze medallist Fil-Am belles kumpara sa 33 ng kalaban gayunpaman, bentahe sa Kazakhs ang kanilang taas makaraang magtala ng 6 blocks kontra sa 3 lamang ng Pinay.

Dadaan sa butas ng karayom ang Pinay belles sa kanilang pakikipagkita sa matatangkad ding Chinese duo nina Xi Zhang at Chen Xue. (DMVillena)

Show comments