Pinakaabangan ngayon na may magandang tsansa ang bowling team na aasinta ng unang dalawang gold sa nakatayang 12 golds sa Qatar Bowling Center.
Gayunpaman, haharapin ng RP lady bowlers na binubuo nina Liza del Rosario, Cecilia Yap, Jojo Canare, Irene Garcia-Benitez, at Maryann Posadas ang mabigat na hamon na magmumula sa mahuhusay ding bowlers mula sa Malaysia, Singapore, at Middle East countries higit sa lahat mula sa host Qatar na may bentahe sa lane condition bukod sa suporta ng mga kababayang Qataris.
"Sila ang paborito ngayon," wika ni RP coach Bong Coo, kung saan paborito ang mga Pinay bowlers na makakasungkit ng gintong medalya para sa bansa.
Mahigpit na hamon din ang nakaatang sa mens bowling team kung saan papasada sina 4-time World Cup champion Paeng Nepomuceno kasama sina reigning world singles champion Biboy Rivera, dating World Cup winner CJ Suarez, Asian Games Masters king Markwin Tee, Chester King, at Tyrone Ongpauco sa singles competition.
" This is going to be like the sprints," wika ni Nepomuceno. " Mahirap dito kasi suwertihan din dahil nga maikli lamang ang laban, mula 12 games naging 6 games na lang," sabi pa ni Nepomuceno, ang flag bearer ng Team Philippines sa opening ceremony noong Biyernes ng gabi. (DMV)