Pagkagaling sa airport, at sa isang function, dumiretso na agad siya sa simbahan ng Quiapo. Sa dinami-dami naman ng simbahan na maari niyang puntahan galing sa airport, bakit sa Quiapo church siya nagmamadaling nagtungo.
Para sa kaalaman ng marami, ang suot-suot na shorts na ginamit ni Manny sa paglaban niya kay Erik Morales ay ipinabless pa sa Blessed Nazarene sa Quiapo.
Pagkapanalong-pagkapanalo niya kay Morales, niyakap siya ng isang kaibigan at binulungan siya ng "magpasalamat ka kay Nazareno".
Alam na alam ni Manny yan kaya naman pagtuntong niya dito sa Pinas, nakatuon na agad ang isipan niya na magsimba sa Quiapo church. Kakaunting kaibigan niya ang nakakapansin pero sa mga nakaraang laban niya, dala-dala ni Manny ang mga damit at shorts na suot -suot niya na ginagamit niya bago ang laban. Kung ano ang damit at shorts (at siguro pati underwear) na suot ni Manny bago niya nakalaban si Larios, yun din ang mga damit at shorts (at siguro underwear) na suot niya bago niya nakalaban si Morales.
Nasa General Santos pa ngayon si Manny pero bukas ay babalik siya dito sa Manila para pumunta sa Walk of Fame sa Libis, QC.
Opo, sasali si Manny sa Walk of Fame, isang project ni Kuya Germs at ilang mga taga-showbiz. Mag-iiwan siya ng marka ng kanyang paa sa proyektong ito. Marami nang sikat na sikat na artista ang may marka ng paa nila sa Walk of Fame at bukas nga, madadagdagan na ito ng marka ng paa ni Manny. Siguradong ang marka ng paa na ito ni Manny ang siyang pinakalaging titingnan ng mga tao kapag napapunta sila dyan sa lugar na yan sa Libis.
Samantala, naghahanda na rin si Manny para sa nalalapit na concert niya kasama ang Black Eyed Peas sa December 23. Tiyak na riot ang concert na yan dahil may Black Eyed Peas ka na, may Manny Pacquiao ka pa.