Bagamat apektado ng pag-uwi ni rookie Kelly Williams dahil sa personal na kadahilanan, nakasulong ang Realtors sa ikatlong sunod na panalo. Ikaanim sa kabuuang pitong laro na nagpatatag sa kanila sa pangkalahatang pamumuno.
Pinangunahan ni Paolo Mendoza ang SLR sa kanyang 20 puntos at 6 rebounds kasunod si Dennis Espino na may 14 puntos at 6 rebounds para sa Realtors na naglaglag sa Dragons sa 2-5 karta.
Samantala, magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa Araneta Coliseum kung saan nakatakdang magsagupa ang paboritong Barangay Ginebra at defending champion Purefoods Chunkee sa alas-6:30 ng gabi.
Sa unang pagkikita ng Gin Kings at Chunkee Giants noong October 7 sa Dumaguete City, nanaig ang Ginebra na tangka ngayon ang ikatlong sunod na panalo upang mapalawig ang 5-2 win-loss slate.
Ipaparada ng Gin Kings ang kanilang bagong player na nakuha nila mula sa Air21 kapalit ng tatlong future picks.
Sisikapin naman ng Purefoods na makabangon sa 79-87 pagkatalo laban sa San Miguel Beer na sumira sa kanilang three-game winning streak sanhi ng kanilang 4-4 kartada.
Sa unang laro, magha-harap naman ang Air21, (3-4) at ang kulelat na Alaska Aces, ganap na alas-4:05 ng hapon.