Ito ang ipinabatid ni Rex Wakee Salud, manager ni Jaca.
Ayon kay Salud, isa sa dahilan ng pagkaka-unsiyami ng laban ni Jaca ay bunga ng pagtaas ng kanyang timbang at ang di umanoy biglaang pagtatakda ng laban ng hindi ipinaalam sa kampo ni Jaca.
Ang nasabing laban ni Jaca ay kontra kay Juan Manuel Marquez na isasagawa sa Nobyembre 25 sa Dodge Arena sa Hidalgo, Texas na hatid ng HBO.
Unang itinakda ang bakbakang Jaca-Marquez noong Oktubre 21 ngunit nakansela ito nang hindi mabiyayaan ng US visa si Jaca at dahil dito pansamantalang tumigil sa pag-eensayo ang 23 anyos na tubong Dumaguete City na naging dahilan ng pagtaas ng kanyang timbang.
Sa kasalukuyan, nasa kanilang bayan sa Dumaguete si Jaca at ayon kay Salud tumitimbang ito ng 138 lbs at mahihirapan makabalik sa dating porma at 126 lbs limit hanggang Nobyembre 25.
Si Jaca ay mayroong 30 laban at 27 rito ay kanyang naipanalo kasama pa ang 12 KO.
Matatandaan na sa huli niyang laban ay nanalo siya sa pamamagitan ng technical draw laban kay Hector Javier Marquez na ginawa bilang undercard sa Manny Pacquiao-Oscar Larios na sagupaan noong Hulyo 2 sa Araneta Coiseum.
Sa kabilang banda, si Marquez ay mayroong 45 panalo sa 49 na laban at galing siya sa TKO panalo kontra kay Terdsak Jandaeng ng Thailand para agawin ang WBO interim featherweight title.
Kailangang nasa pinakamagandang kondisyon si Jaca kung haharapin si Marquez dahil napatunayan na nito ang kanyang tibay matapos bumagsak ng tatlong beses pero nakahirit pa ng tabla laban sa pambatong boksingero ng bansa na si Manny Pacquiao noong Mayo 8, 2004. (Russelll Cadayona)