Sasagupain ng 34-anyos na si Peñalosa si dating World Boxing Organization (WBO) bantamweight titlist Mauricio"Cry Baby" Martinez ng Panama ngayon sa Don Haskins Center sa El Paso, Texas, USA. Ang magwawagi sa pagitan nina Peñalosa at Martinez ang siyang hahamon kay WBO bantamweight king Ratanachai Sor Vorapin ng Thailand.
Ibinabandera ng kaliweteng si Peñalosa ang 50-5-2 win-loss-draw record, kasama na rito ang 33 knockouts, habang may 31-6-1 (21 KOs) slate naman ang 31-anyos na si Martinez.
Si Ratanachai ang siyang kumuha ngtitulo ni Martinez matapos umiskor ng isang majority decision sa kanilang championship fight noong Agosto 5 ng 2005 sa Bangkok, Thailand.
Tinalo na ni Peñalosa si Ratanachai sa kanilang WBC International super flyweight showdown sa pamamagitan ng isang sixth round stoppage noong Nobyembre 25 ng taong 2000.
Nagmula si Peñalosa, nangakong titigil na sa pagboboksing sa sandaling matalo kay Martinez, sa isang 10-round decision kay Mexican Tomas Rojas noong Hulyo 2 sa Manny Pacquiao-Oscar Larios non-title fight sa Araneta Coliseum.
Matagumpay na naidepensa naman ni Martinez ang kanyang Panamanian crown kay Edinso Torres noong Nobyembre ng 2005. (Russell Cadayona)