Ang naturang WPC ang siyang flagship event ng World Pool-Billiard Association, ang governing body para sa pool kung saan sa nakalipas na 16-taon, ang event na ito ay patuloy sa paglobo at naging pinakaprestihiyosong pool tournament sa buong mundo.
Mula ng ilunsad ito, ang nabanggit na tournament ay itinanghal na sa anim na ibat ibang bansa--Germany (2), Amerika (3), Taiwan (5), Sweden (1), Spain (1) at sa United Kingdom (5). At ngayon ang Pilipinas naman ang siyang napiling maging host.
At sa Manila, umabot sa 128 mahuhusay na manlalaro sa buong mundo ang maglalabanlaban para sa korona ng 2006 World Pool champion at premyong $100,000, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng tournament. Mahigit sa 46-bansa ang magpapartisipa sa event na ito. Bago ang nasabing tournament, magkakaroon muna ng 10 qualifying tournaments upang mapunan ang 10 slots sa main draw.
Tinanghal ang 16-anyos Taiwanese na si Wu Chia Ching na kampeon sa nakaraang 2005 world pool champion.
At sa pagdaraos ng nabanggit na event sa Philippine International Convention Center, pangungunahan ng Department of Tourism ang listahan ng mga sponsor kung saan tampok dito ang sports tourism bilang major component ng tourism promotion and development sa bansa.
Bukod sa tourism department, ang iba pang major sponsors mula sa tourism sector ay ang Philippine Airlines at Sofitel Philippine Plaza.
Ang Philippine Airlines ang Official Airline Partner ng 2006 World Pool Championship, habang ang Philippine Plaza, na kikilalanin bilang Sofitel Philippine Plaza ang Officiasl Hotel Partner ng WPC na siyang magiging tirahan ng mga manlalaro, officials at iba pang panauhin sa nasabing event.