Sinamantala ng Welcoat ang pagkapilay ng line-up ng Beermen sa pagkawala ng dynamic duo na sina Danny Seigle at Danny Ildefonso na nananatiling may injury kasama si Brandon Lee Cablay upang hatakin ang 96-88 panalo laban sa Beermen sa pag-usad ng eliminations ng PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kagabi.
Sumulong sa 2-2 panalo-talo ang Dragons na nakabawi agad sa 99-115 pagkatalo sa Phone Pals na sumira sa kanilang 85-75 pamamayani laban sa Coca-Cola habang nilagok ng Beermen ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan sa gayunding dami ng laro.
Pinangunahan ni Jojo Tangkay ang Dragons sa kanyang 18-puntos, walo nito sa fourth quarter kung saan nakipagtulungan ito kay Denver Lopez na nagsumite ng 16-puntos tulad ni Rob Wainwright.
Habang sinusulat ang balitang ito, nakikipaglaban para sa ikaapat na sunod na panalo ang Ginebra laban sa Red Bull para angkinin ang solong pamumuno. (Mae Balbuena)