Kinailangan nilang igtingan ang kanilang depensa sa endgame upang hatakin ang 98-95 panalo para sa ikalawang sunod na panalo sa Talk N Text PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kagabi.
Lumaro ang Beermen na wala sina Danny Seigle na mayback spasm at Danny Ildefonso na may bone spurs sa paa bukod pa sa kay Brandon Lee Cablay na may iniinda rin sa kanyang kamay, ngunit nakaahon sila mula sa 17-point deficit upang bigyan ng mahigpit na hamon ang Realtors.
Naging epektibo ang depensang inilapat ng Sta. Lucia sa endgame upang burahin ang nasilip na pag-asa ng Beermen na nakalapit sa 95-96 matapos ang malaking 20-2 run papasok sa huling 30 segundo ng labanan.
Napigilan ng Sta. Lucia ang krusyal na play ng SMBeer, na nagbunga ng turnover nang di masalo ni Chris Calaguio ang masyadong mataas na inbound pass ng rookie na si Gabby Espinas.
Nakakuha ng foul si Dennis Espino mula kay Willy Wilson para iselyo ang final score sa kanyang dalawang bonus freethrows, may .6 of a second na lang ang natira sa oras na hindi na napakinabangan ng San Miguel matapos madiskaril ang kanilang catch and shoot play nang masupalpal ni Alex Cabagnot si Calaguio.
"Ang lakas ng San Miguel sa lahat ng lugar," ang unang nasambit ni Sta. Lucia coach Alfrancis Chua sa postgame interview.
Humanay ang Realtors sa Red Bull, Talk N Text at Ginebra na may 2-0 kartada ngunit may pagkakataon ang Gin kings na solohin ang pamumuno kung magtatagumpay sila laban sa Air21 sa larong ginaganap pa habang sinusulat ang balitang ito. (Mae Balbuena)