UST, Adamson sinorpresa

Hindi basta-basta ang Jose Rizal University Heavy Bombers. At malungkot na tinanggap ito ng University of Santo Tomas Tigers.

Umiskor si Mark Cagoco ng marginal points mula sa freethrow line may 1:56 ang nalalabing oras at magiting na sinorpresa ng Heavy Bombers ang bagong UAAP champion sa pamamagitan ng 65-63 panalo sa Collegiate Champions League sa UST Gym.

Hindi pina-iskor ng Heavy Bombers ang Tigers sa huling minuto ng laban habang kumana naman sila ng 13 puntos sa unang 6:22 ng laban upang agawin ang trangko sa 63-61 sa basket ni JM Wilson kulang na lamang sa apat na minuto ang nalalabi sa laro.

Pansamantalang pinigil ni Dylan Ababou ang paghihirap ng Growling Tigers nang kumana ito ng dalawang freethrows, 3:22 ang nasa orasan bago ipinasok ni Cagoco ang winning charities.

Bahagyang nagkaroon ng komosyon sa ikalawang yugto ng laban nang kontrolodado ng Tigers ang laban sa first half. Napatalsik sina June Dizon at Mel Gile ng UST nang sugurin nila si Marvin Hayes ng JRU na gumawa ng unsportsmanlike foul sa kanilang star na si Jojo Duncil, 7:34 bago ang halftime.

Humugot din ng technical foul si Duncil dahil sa second motion.

Sa isa pang upset game, nagsalpak si Von Lanete, ang nakababatang kapatid ng PBL veteran na si Chico Lanete, ng dalawang freethrows may 6.9 segundo ang nalalabi upang trangkuhan ang University of Visayas Green Lancers sa 70-67 panalo laban sa Adamson Falcons.

Show comments