Nanalo ang pool icon sa huling tatlong torneo, ang World Cup of Pool sa pakikipagtambalan kay Francisco "Django" Bustamante, World 8-Ball Open sa Reno, Nevada at ang final leg ng Asian 9-Ball Tour sa Jakarta, Indonesia.
"Syempre pipilitin nating makuha yung pang-apat," ani Reyes na nahirapan noong nakaraang taon sa torneong ito dahil sa problema sa mata.
Siguradong hindi magiging madali ang kampanya ni Reyes dahil tiyak na bibigyan ito ng mahigpit na hamon ni Bustamante, ang defending champion na kagagaling lamang sa matagumpay na pagdedepensa ng kanyang titulo sa Bali Open.
Ang runner-up noong nakaraang taon na si Dennis Orcollo ay isa rin sa malakas na contender matapos manalo sa nakaraang World Pool League sa Warsaw, Poland.
Ang iba pang contenders ay sina Jose "Amang" Parica, former world champion Alex Pagulayan, World Pool Championship semi-finalist Marlon Manalo, former AZBilliards Rookie of the Year Ronnie Alcano, Southeast Asian Games gold medalist Lee Vann Corteza at one-time Asian 9-Ball Tour leg winner Gandy Valle.