Reyes, Bustamante, at iba pang Pinoy paborito

Dahil sa maningning nilang pagtatapos sa bawat nilahukang pool competition ngayong taon, kabilang ang inagurasyon ng party-pooker.com World Cup of Pool, tinatayang mahigpit na paborito ang Filipino contingent na babanderahan ng bagong kampeon sa 8-Ball IPT World Open Championship na si Efren ‘Bata’ Reyes at ng tatlong iba pang Pinoy na masikwat ang huling yugto ng 2006 San Miguel Asian 9-Ball Tour.

Magsisimula ngayong araw ang aksiyon sa group stage sa glamorosong Mutiara Ballroom ng Gran Melia Jakarta Hotel, Indonesia.

Si Reyes ay napabilang sa Group 2 kasama sina Yang Ching-Shun ng Taiwan at local bet Roy Apancho.

Sasagupain ng Pinoy pool legend si Apancho sa alas-5:30 ng hapon sa table 4 bago sasagupain si Yang sa alas-7:30 ng gabi sa TV Table na live sa STAR Sports.

Haharapin ni Francisco ‘Django’ Bustamante ang Taiwanese na si Wang Hung-Hsiang sa alas-12 ng tanghali bago isusunod ang Chinese na si Li He-Wen sa alas-7:30 ng gabi sa Group 3.

Maglalaban naman sina Kaohsiung leg winner Rodolfo Luat at Thai Amnuayporn Chotipong sa alas-3:30 ng hapon, bago makikipagharap sa Indons na si LAWI sa alas-9 ng gabi.

Susubukan naman ng Bangkok Asian Tour Champion na si Ramil Gallego si Masaaki Tanaka ng Japan sa alas-12 ng tanghali, bago isusunod si Apsi Chariago ng Indonesia sa ala-1:45 ng hapon.

Show comments