Pinoy duo vs Czech Republic pair

Haharapin ngayon ng top seed na Filipino players na sina Efren "Bata" Reyes at Francisco "Django" Bustamante ang mga manlalaro ng Czech Republic sa quarterfinals ng Party-poker.com World Cup of Pool na nilalaro sa Newport, South Wales.

Bahagyang napapaboran sina Reyes at Bustamante sa mga katunggaling sina Roman Hybler at Michal Gavenciak na nagawang lusutan ang Canada na kinatawan nina Luc Salvas at Tyler Edey.

Lumabas ang tibay ng dibdib nina Hybler at Gavenciak nang humabol buhat sa 7-8 iskor at ipinanalo ang huling dalawang rack tungo sa 9-8 panalo. Bago ito ay nangibabaw muna ang Czech Republic laban sa Poland sa 9-6 panalo.

Ang mga Filipino cue artist naman ay narating ang quarterfinals sa pamamagitan ng 9-0 panalo sa Malta at 9-6 tagumpay sa Malaysia.

Sa huling laro nga ay nakitaan ng maraming errors sina Reyes at Bustamante pero nagawang maipanalo ang laban nang makuha ang tamang tumbok sa mahalagang punto ng labanan.

"Kahit top seed kami ay mahirap pa ring magsalita kung makukuha namin ito dahil sa tindi ng mga kalaban," wika nga ni Reyes matapos mapahirapan ng Malaysia.

Ang mananalo sa labang ito ay uusad sa semi-finals at haharapin naman ang magwawagi sa pagitan ng Chinese Taipei at Germany.

Ang ibang quarterfinal matches ay sa pagitan ng USA kontra sa Hong Kong at Italy kontra sa Vietnam.

Ang Vietnam ang isang sorpesa sa kompetisyong ito na nilahukan ng 32 koponan buhat sa 31 bansa nang talunin ang Croatia, 9-8, at number two seed Holland, 9-8.

May kabuuang $250,000 ang tatanghaling kampeon ay magkakaroon ng pabuya na $60,000 habang ang matatalo sa quarterfinals ay may pampalubag loob na $10,000.

Show comments