Pacquiao, Morales magsososyo?

Sina Filipino Manny Pacquiao at Mexican Erik Morales sa iisang promotional outfit?

Posible itong mangyari bunga na rin ng pagtatapos ng kontrata ni Pacquiao sa grupo nina Shelly Finkel, Nick Khan at Keith Davidson sa Enero, dalawang buwan matapos ang kanilang ikatlong pagtatagpo ni Morales sa Nobyembre 18.

Sa pagkakapaso ng managerial contract nina Finkel, Khan at Davidson sa 27-anyos na si Pacquiao, inaasahang si Rex "Wakee" Salud ang kukuning manager ng tubong General Santos City.

At ito ay hindi na rin ikinaila ni Pacquiao, kikita ng $3 milyon (P153 milyon) sa laban niya kay Morales sa Nobyembre 18 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas.

Sakaling tuluyan nang kunin ni Pacquiao si Salud bilang manager, posibleng ilapit ni Salud ang tinaguriang "Pacman" sa tropa nina Bob Arum na siyang namamahala sa boxing career ni Morales sa pamamagitan ng kanyang Top Rank Promotions.

Hinawakan ng grupo nina Finkel, Khan at Davidson ang boxing career ni Pacquiao sa kaagahan ng 2005 matapos magkaroon ng problema ang huli sa pamamahala ni Murad Muhammad.

Inakusahan ni Pacquiao si Muhammad na kumukupit ng milyun-milyon mula sa kanyang mga prize purse. Ang naturang isyu sa pagitan nina Pacquiao at Muhammad ay naayos rin sa huli mula sa pagbabayad ng US promoter sa Filipino fighter. (RC)

Show comments