Tampok ang panalo ni Reyes sa kanyang kapwa pool legend na si Earl The Pearl Strickland para dominahin ang Group 62.
Nagpakawala lamang si Manalo ng siyam na games sa kanyang laban sa Group 70 habang kabilang naman sa naging biktima ni Lining ang dating world pool champion na si Mika Immonen.
Tinalo ng 51-gulang na si Reyes si Strickland, 8-5 sa labanan ng mga dating World Pool champions, at ang iba pa nitong biktima ay sina Raj Hundal (8-1), Marko Lohtander (8-5) at Gary Abood (8-6).
Tulad ni Reyes, umiskor din ng sweep si Manalo na namayagpag laban kina Ronato Alcano, 8-2, Charles Williams, 8-2, Gabriel Owen, 8-5 at ang lady pool player na si Sarah Ellerby, 8-0.
Kahit natalo kay Manalo, lumusot pa rin si Alcano sa kanyang 2-2 (win-loss) record nang kanyang igupo sina Owen, 8-4 at Ellerby, 8-2 matapos mabigo kay Williams, 6-8. Tinalo naman ni Linning si Immonen, 8-6 bago niya isinunod sina Sandor Tot, 8-6, John Schmidt, 8-2 at Jimmy Wetch, 8-4.
Bukod kina Reyes, Manalo at Lining, umusad din sa ikalimang round ng $2,050,000 tournament na ito sina Francisco Django Bustamante, Dennis Orcollo, Rodolfo Boy Luat, Santos Sambajon, Fil-Canadian Alex Pagulayan at Ronato Alcano na hirap na nakalusot sa kani-kanilang grupo.
Ang siyam na Pinoy na kasama sa last 36 players ay nakakasiguro na ng $17,000.
Siyam na Amerikano rin ang pumasok sa susunod na round na kinabibilangan nina Johnny Archer at Nick Varner.
Ang 36 na natitirang players ay hahatiin sa anim na grupo kung saan ang top-three players ay makakasama sa last 18 ng torneong ito na magbibigay ng $350,000 premyo sa tatanghaling kampeon.