Bulldogs nalo sa Tamaraws

Nagsanib ng puwersa sina Edwin Asoro at Jonathan Fernandez upang patikimin ng panalo ang National University laban sa defending champion Far Eastern University, 73-64 sa pagpapatuloy ng elimination ng UAAP men’s basketball tournament sa Ninoy Aquino Stadium kahapon.

Kumamada sina Asoro at Fernandez ng pinagsamang 27-puntos sa second half para sa unang panalo ng NU Bulldogs matapos mabigo sa unang dalawang laro habang lalong nabaon sa kulelat na posisyon ang FEU Tamaraws na lumasap ng kanilang ikatlong sunod na talo sa gayong ding dami ng laro.

Isang 17-7 atake ang ginamit ng Nationals sa ikatlong quarter upang makabangon mula sa 26-37 pagkakahuli at idikit ang iskor sa 43-44 patungo sa huling 2:07 ng naturang yugto.

Mula sa 50-48 bentahe ng Far Eastern papasok ng final canto, tuluyang naagaw ng Nationals ang kalamangan sa pamamagitan ng 14-1 atake papasok sa huling 6:24 minuto ng laro.

Tumapos si Asoro ng 20-puntos habang nag-sumite naman si Fernandez ng 16 para sa Bulldogs na huling nakatikim ng panalo noong 1998 laban sa Tamaraws, 69-66.

Ang panalong ito ng Bulldogs ay paghihiganti sa nalasap na kabiguan ng kanilang junior counterparts na Bullpups laban sa UP Integrated School sa unang juniors game, 90-79.

Sa iba pang juniors matches, inilampaso naman ng FEU Baby Tams ang UST Tiger Cubs, 106-80 habang pinasadsad din ng Ateneo Blue Eaglets ang UE Pages, 87-64. (Carmela Ochoa)

Show comments