Red Lions susubukan ang Altas

Matapos ang nagdedepensang San Juan de Letran College, ang San Beda College ang ikalawang tropang may mahabang winning streak ngayon.

Sumasakay ang Red Lions ni coach Koy Banal sa isang three-game winning streak na nagbigay sa kanila ng 4-1 rekord sa ilalim ng matayog na 5-0 baraha ng Knights kasunod ang PCU Dolphins (4-2), Mapua Cardinals (3-2), San Sebastian Stags (2-4), UPHD Altas (2-4), Jose Rizal Heavy Bombers (1-4) at College of St. Benilde Blazers (1-4).

Sasagupain ng Red Lions ang Altas ngayong alas-4 ng hapon matapos ang pagtatagpo ng five-time champions Stags at Heavy Bombers sa alas-2 sa 82nd NCAA men’s basketball tournament sa Ninoy Aquino Stadium.

Matapos mabigo sa 2004 champions PCU, 66-70, tatlong sunod na panalo ang itinala ng San Beda mula sa St. Benilde, 71-57, Mapua, 69-55, at San Sebastian, 71-52.

Nabigo naman ang UPHD ni mentor Bai Cristobal na makahirit ng kanilang ikalawang sunod na panalo nang bumagsak sa Letran, 60-48.

Muling ipaparada ng Red Lions sina Yousif Aljamal, Alex Angeles, JR Tecson, Richard Maggay at 6-foot-8 Nigerian Samuel Ekwe kontra kina Khiel Misa, Vladymir Joe at Fritz Bauzon ng Altas.

Sa unang laban, ang kanilang ikalawang dikit na ratsada naman ang hangad ng Heavy Bombers laban sa Stags matapos na ring umiskor ng isang 72-70 panalo sa Blazers. (R .Cadayona)

Show comments