Ito ay matapos talunin ni world No. 2 player Lin Dan si No. 13 Niels Christian Kaldau sa mens singles, 19-21; 21-14; 21-10, at gibain ni 2004 Athens Olympic Games gold medalist Zhang Ning si Yao Jie sa ladies singles via straight sets, 21-17; 21-19, at talunin nina Lee Wan Wah at Choong Tan Fook sina Michael Logosz at Robert Mateuziak, 23-21; 21-18, sa mens doubles sa paglarga ng 2nd MVP Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Ang naturang tagumpay ng Team Asia ang nagbigay sa kanila ng 3-0 abante laban sa Team Europe na kanila ring itinala sa 1st MVP Cup na kanilang pinagharian, 11-8.
"I am not yet familiar with the venue thats why I lost the first set. But I was able to recover and eventually won the second and third sets," sabi ng 5-foot-10 na si Lin, kasalukuyang No. 2 sa mens singles sa International Badminton Federation (IBF), sa kanyang laban kay Kaldau ng Denmark.
Ipinoste ni Kaldau, tumatayong No. 13 sa mens singles sa IBF, ang 16-12 abante sa first frame patungo sa kanyang 21-19 pananaig kay Lin hanggang mabawi ng Chinese shuttler ang kanyang porma upang ilista ang 16-11 bentahe sa second set.
"He has some different shots and moves that made me run at times. But in the end, I was more in shape and condition to play," ani Lin, 21-14, patungo sa pagkubra ng 7-1 lamang sa ikatlong frame.
Tinapos ni Lin, naging sandigan ng China sa paghahari sa 2006 Thomas and Uber Cup at sa 2005 Sudirman Cup, ang naturang yugto mula sa isang matinding smash laban kay Kaldau.
Sa ladies singles, dinuplika naman ni Zhang, apat na ulit na nagreyna sa Singapore Open at namahala sa 2003 World Championships ang kanyang panalo kay Yao noong 1st MVP Cup sa bisa ng kanyang straight sets victory. (RCadayona)