4 sunod na panalo sa PCU

Pinatunayan ng Philippine Christian University na kahit wala ang top scorer na si Jason Castro ay kaya nilang manalo.

Bumangon ang Dolphins mula sa isang 12-point deficit sa third period upang takasan ang Jose Rizal Heavy Bombers, 81-77, at angkinin ang liderato sa NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Kumabig si Robby David ng 22 puntos, tampok rito ang 4-for-5 shooting sa 3-point range, 3 assists, 2 rebounds, 2 steals at 2 shotblocks para ihatid ang PCU sa 4-1 kartada kasunod ang nagdedepensang Letran (3-0).

Itinala ng Heavy Bombers, may 0-3 baraha ngayon, ang kanilang pinakamalaking lamang sa 53-41 buhat sa 3-point play ni John Wilson kay Kit Santos sa 4:18 ng third quarter bago naputol ng Dolphins sa pagpinid nito, 53-60.

 Isang 6-0 atake ang inilunsad ng PCU sa kaagahan ng final canto para sa kanilang 59-60 agwat bago muling lumayo ang JRU sa 75-69 sa 2:32 nito mula sa basket ni Floyd Dedicatoria.

 "Kahit na nakalayo ang JRU, still we did not lose our focus," ani coach Joel Dualan sa Dolphins na naghulog ng isang 10-2 bomba, lima rito ay mula kay Gabby Espinas, para iwanan ang Heavy Bombers sa 79-77 sa huling 23.9 segundo.

 Tuluyan nang sinelyuhan ng PCU ang kanilang ikaapat na sunod na panalo matapos ang fastbreak lay-up ni David sa natitirang 2.0 segundo. (Russell Cadayona)

Show comments