Kumamada ng 12-puntos si Cortez kabilang ang dalawang krusyal na three-point play sa kanyang tinapos na 25-puntos upang ihatid ang Aces sa 102-95 panalo sa kanilang sudden death match kontra sa San Miguel Beer kagabi sa Araneta Coliseum.
Nakaahon ang Alaska sa 87-93 pagkakabaon sa pamamagitan ng 15-2 atake na pinangunahan ni Cortez sa pagkamada ng siyam na sunod na puntos sa yugtong ito upang iselyo ang tagumpay ng Aces.
Ang dalawang three-point play ni Cortez ang nagtabla ng iskor sa 93-all at sinundan ito ng split shot at basket ni Cortez para sa 96-93 kalamangan ng Alaska.
Nagbanta ang Beer men mula sa dalawang freethrows ni Brandon Lee Cablay, 95-96 ngunit binigyan naman ni Cortez ng Assists si Tony dela Cruz na sinundan ng dalawang freethrows ni Jeffrey Caraiso para sa mas maluwang na 100-95 kalamangan, 7.9 segundo na lamang bago tuluyang isinelyo ni Dela Cruz ang final score sa pamamagitan ng kanyang freethrows.
Malaking tulong din ang ibinigay ni Jeffrey Cariaso na tumapos ng 24-puntos na sinundan naman nina Nic Belasco ng 17 puntos at 13-points mula kay Tony dela Cruz.
Nasibak ang Aces at SMBeer sa finals matapos igupo ng Purefoods Chunkee at Red Bull sa best-of-seven semifinal series sa 4-3 panalo-talo.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Red Bull at Purefoods sa Game-One ng kanilang best-of-seven titular showdown para sa titulo ng ikalawang kumperensiyang ito ng 2005-2006 season ng PBA. (Carmela Ochoa)