Mabuhay kay Manny!

Tunay na magaling at matibay na fighter si Oscar Larios, ngunit hindi siya umubra kay Manny Pacquiao na hindi pumayag na mapahiya sa harap ng libu-libong live audience sa dinayong Araneta Coliseum at milyung-milyong Pilipinong nanood ng laban sa telebisyon.

Kahit pa muntik nang mapatumba ng Mexican challenger ang Pinoy boxing hero na si Pacquiao, at tinanggap nito ang mga solidong suntok ng tinaguriang Pacman, kulang ang kanyang lakas sanhi ng kanyang pagkatalo sa unanimous decision sa labang tinaguriang Mano-A-Mano Pilipinas contra Mexico.

Dalawang beses na na-knockdown ni Pacquiao ang Mexican champion na si Larios na nagtamo ng dalawang sugat sa mukha para mapanatili ang kanyang World Boxing Council International superfeatherweight title.

Iniskoran ng tatlong judges ang 12 round fight sa130 lbs division na pabor lahat kay Pacquiao. Nakita ni Daniele Van de Weile ang laban sa 118-106, 117-110 kay Humbert Forgon at 120-106 kay Nopanat Sricharoen.

"Iba ang style ko ngayon kasi sanay kayo na tinatapos ko agad ang laban," pahayag ng tubong-General Santos na si Pacquiao. "Ginawa ko ngayong relax lang para sumaya ang mga Pilipinong nanonood. Alam ko naman na lamang sa puntos at kaya ko naman ang fight. Ibig sabihin hindi ako nag-apura kasi baka matsambahan ako."

Nagpamalas ng lakas si Larios sa ikatlong round nang magawa niyang pasandalin sa lubid si Pacquiao.

"Tinamaan ako, pero hindi ganon na nasaktan ako, kasi nung umalis na ako sa lubid, nakaganti agad ako," paliwanag ni Pacquiao na nagsabing hindi na magkakaroon pa ng rematch ang labang ito bagamat sinabi ng kampo ni Larios na ipupursigi nila ito.

Bago matapos ang laban sa ika-12th at huling round, na-knockdown pa ni Pacman si Larios sa pamamagitan ng kanyang kumbinasyon at upper cut sa mukha.

Umangat si Pacquiao sa 42-wins laban sa kanyang 3-loss na kinapapalooban ng 31 knockouts habang nalasap ng Guadalajara native na si Larios ang kanyang ika-limang talo kontra sa kanyang 56 wins (36KOs) at 1 draw. (Carmela Ochoa)

Show comments