Kasi ngay sa tatlong rookies ng Red Bull, si Najorda ang siyang may pinakamaliit na playing time gayung mas nauna siyang napili sa Draft kina Larry Fonacier at Paolo Bugia. Hindi nga bat sa first round pa lamang ay sinungkit na kaagad siya ni coach Joseller "Yeng" Guiao samantalang sina Fonacier at Bugia ay sa second round pa nakuha?
Kung sabagay, sinabi naman ni Guiao na ang kursunada talaga nilang kunin ay si Fonacier pero sumugal muna sila kay Najorda sa first round sa pag-asang hindi kukunin ng ibang koponan ang Ateneo shooter dahil sa isang taon itong nabakante buhat nang magpaopera sa tuhod. Nagtagumpay ang sugal ni Guiao kung kayat nakuha niya ang dalawang manlalarong nais niyang maging bahagi ng future ng kanyang koponan.
Pero sa Fiesta conference, ito ngang si Fonacier ang siyang nabigyan ng break. Kapuna-puna rin kasing error-prone itong si Najorda at tila matagal na nangapa. Kaya naman nang pumutok si Fonacier lalo na sa Finals kontra Purefoods Chunkee Corned Beef ay naging top contender ito para sa Rookie of the Year award. At malamang na si Fonacier na nga ang manalo bilang ROY.
Sa kabilang dako ay on and off naman ang laro ni Najorda na dalawang beses naparangalan bilang Player Na Walang Katulad pero kung minsan ay nababangko naman.
Sa kasalukuyang PBA Philippine Cup, nag-aaverage nga lang ng 11 minutes si Najorda. Halos walang isang quarter ang kanyang playing time. Pero sa tuwing ipapasok siya ni Guiao ay buhos kaagad ang kanyang laro
Sa nakaraang best-of-five quarterfinals series kontra Barangay Ginebra, si Najorda ay isa sa mga tinokahan ni Guiao na magbantay kay Eric Menk na siyang reigning Most Valuable Player. Bagamat mahirap na assignment iyon ay pilit na ginawa ni Najorda at nagtagumpay naman siya.
Sa Game Five kung saan dinaig ng Red Bull ang Barangay Ginebra, 120-98, isa si Najorda sa nagbida. Bukod sa magandang depensa ay umiskor din siya nang todo upang tulungan sina Cyrus Baguio at Lordy Tugade.
So nakikita na ng lahat na two-way player si Najorda at hinog na siya para sa PBA. Kasi nga, nang lumahok siya sa Draft, naglalaro pa siya sa San Sebastian Stags sa National Collegiate Athletic Association. Marami ang nagduda kung ready na nga siya para sa PBA bagamat dati siyang Most Valuable Player awardee ng NCAA.
Bihira lang ang manlalarong humuhusay bilang two-way player sa PBA. Ito ang potential ni Najorda.
Kahit na hindi siya magwagi bilang Rookie o f the Year, okay na rin para sa kanya iyon. Kasi ngay alam niyang may kalulugaran siya sa Red Bull at may maganda siyang kinabukasan sa PBA.