Kinubra ng bagitong Harbour Centre ang huling championship ticket nang kanilang dispatsahin ang beteranong Montaña Pawnshop, 86-60 sa Game-Four ng kanilang semifinal series sa Olivarez Sports Center sa Parañaque kahapon.
Matapos mabigo sa unang tatlong kumperensiya, nakarating sa finals sa kauna-unahang pagkakataon ang Portmasters sa paggiya ni coach George Gallent na makakaranas na rin ng kanyang unang finals appearance bilang coach.
Siniguro ng Harbour Centre na hindi na sila magkukulapso na muli sa second half nang humataw sina L.A. Tenorio, Joseph Yeo at Chico Lanete upang makakalas sa mahigpit na hamon ng Jewels.
Pinatahimik ng Portmasters ang Montaña sa ikalawang bahagi ng labanan kung saan gumawa sila ng kabuuang 46-puntos kontra sa 19 lamang ng Montaña.
Nilimitahan ng Portmasters na pinangunahan ni Tenorio sa tinapos na 16-puntos na sinundan ni Yeo ng 15-puntos, sa six-point lamang ang Jewels sa final canto upang iselyo ang best-of-five semifinal series sa 3-1 panalo-talo.
Makakaharap ng Harbour Centre ang Toyota Sparks na nakatuntong din sa championship round sa kauna-unahang pagkakataon, matapos nitong tanggalan ng korona ang Rain Or Shine sa pamamagitan ng pag-sweep sa kanilang sariling semis series sa 3-0.
Magsisimula ang best-of-five titular showdown sa Huwebes. (Carmela Ochoa)