99 PERCENT FILIPINO     

Dahil sa nangulelat ang Sta. Lucia Realty sa Gran Matador-PBA Philippine Cup na may mas mabigat na porsiyento kung overall standings sa isang season ang pag-uusapan, nakasisiguro na ang Realtors na una o ikalawang pipili sa susunod na PBA Draft na gaganapin sa Agosto.

Kaya naman ngayon pa lang ay tinitingnan na nila kung sinu-sino ang magiging available sa Draft.

Ang siste’y tila patuloy na mananatili ang prinsipyo ng Realtors na "99 percent Filipino" kung kaya’t ang unang tinitingnan ng Sta. Lucia ay ang mga amateur standouts na home grown o full-blooded Filipino. Hindi yung mga Fil-Americans.

Kasi nga, sa kasalukuyan, matunog na matunog ang pangalan nina Joe Calvin Devance ng Toyota Otis at Kelly Williams ng Magnolia Ice Cream na papanhik na sa PBA. Kung maayos ang mga papeles ng mga ito, aba’y siguradong magiging 1-2 picks sila.

Si Devance ang pinakamalaking dahilan kung bakit nakarating ang Toyota Otis sa Finals ng Philippine Basketball Legaue Unity Cup sa kauna-unahang pagkakataon. Siya ang frontrunner para sa Most Valuable Player award ng torneo.

Si Williams naman ay kabilang sa national pool matapos na madiskubre siya ni RP coach Vincent "Chot" Reyes. Si Devance ay legitimate center samantalang si Williams ay all-around player.

Sino sa dalawang ito ang mas kakailanganin ng Sta. Lucia kung sakaling isasaisang-tabi na muna ng Realtors ang kanilang team philosophy? Sinasabi ng karamihan na si Devance ang mas kailangan nila dahil sa hindi na naman bumabata ang mga sentro ng Sta. Lucia na sina Marlou Aquino at Dennis Espino. Mas makakabuting kumuha sila ng batang sentro na siyang magiging kinabukasan ng team.

Pero kukunin nga ba nila si Devance?

Iyon ang malaking katanungan, e.

Kasi nga, kung magi-stick ang Sta. Lucia sa team philosophy nito, aba’y mga homegrown centers ang kukunin ng Realtors at nandiyan ang mga tulad nina Rob Reyes ng Harbour Centre at Sami-gue Eman ng Rain Or Shine.

At siyempre, nandiyan ang two-time UAAP MVP na si Arwind Santos na hindi legit center pero mataas tumalon at parang all-around player na rin.

Ewan natin ha, pero kung legit namang Fil-Ams sina Devance at Williams, pwede na sigurong kunin ng Sta. Lucia ang sinuman sa dalawang ito. Filipino din naman sila, e. Isa sa kanilang mga magulang ang ipinanganak dito sa ating bansa at may karapatan silang kagaya ng sinumang Pinoy.

Isa pa’y dapat na rin namang maunawaan ng Sta. Lucia na kaila-ngan silang lumakas para naman maging competitive. Matagal-tagal na silang miyembro ng PBA at minsan lang sila nagkampeon.

Puwedeng simulan nila ang build-up ng team sa susunod na season at kung matindi ang makukuha nilang rookie, maganda ang kanilang magiging kinabukasan.

Show comments