Parehong nagdadala ng 1-0 lead, haharapin ng Sparks ang nagdedepensang Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-2 ng hapon bago ang upakan ng Portmasters at Montana Jewels sa alas-4 sa Game 2 ng kani-kanilang best-of-five semifinals series para sa 2006 PBL Unity Cup sa Olivarez College Sports Center sa Parañaque.
Pinitas ng Toyota Otis ang 64-59 panalo kontra sa Rain or Shine, habang kinuha naman ng Harbour Centre ang 85-79 tagumpay sa Montana upang iposte ang kanilang 1-0 lead sa semis series.
"Kahit na nakuha namin itong Game 1, hindi kami dapat mag-relax kasi hindi naman basta-basta team ang Rain or Shine eh. Defending champion sila sa tournament na ito at lahat gagawin nila just to defend it," sabi ni mentor Louie Alas para sa kanyang Sparks, na muling sasandig kay Fil-Am Joe Devance, umiskor ng 12 marka sa Game 1 bukod pa ang 8 boards.
Bukod sa layuning maipagtanggol ang kanilang korona, pakay rin ng Elasto Painters ni coach Leo Austria na makasikwat ng titulo bago umakyat ang Welbest franchise sa professional league sa Oktubre.
Sa ikalawang laban, pipilitin naman ng Harbour Centre na maideretso sa apat ang kanilang pagkamada matapos talunin ang Montana sa Game 1 ng kanilang semis showdown at biguin ng dalawang beses ang napatalsik nang Granny Goose sa quarterfinals.
Sina Joseph Yeo, LA Tenorio, Chico Lanete, Robbie Reyes at Ryan Arana ang muling babandera para sa Harbour Centre laban kina Alex Compton, Froilan Baguion, Al Vergara at Al Magpayo ng Montana. (Russell Cadayona)