Pananalasa itutuloy ng Montaña

Sakay ng four-game-winning streak, sisikapin ng Montaña Pawnshop na ipagpatuloy ang kanilang pananalasa sa 2006 PBL Unity Cup na magbabalik sa Olivarez Sports Center sa Parañaque.

Itataya ng Jewels ang malinis na kartada sa pakikipagharap sa Toyota Otis-Letran sa tampok na laro sa alas-4:00 ng hapon.

Mauuna rito, pagbubuntunan naman ng galit ng Rain or Shine na nais makabawi sa nakaraang pagkatalo, ang bagitong TeleTech sa pambungad na laro sa alas-2:00 ng hapon.

Matapos ang nakakadismayang sixth-place finish sa nakaraang kumperensiyang Heroes Cup, malaki ang pinagbago ng Montaña na ngayon ay nasa pangkalahatang pamumuno taglay ang matayog na 4-0 win-loss slate.

Babaunin ng Montaña ang 60-58 pamamayani laban sa Elasto Painters noong Martes para sa malinis na 4-0 win-loss slate.

Hindi naman nakalalayo ang Rain or Shine at ang Toyota Otis Sparks na nakasunod lamang sa 3-1 win-loss slate.

Kailangang mag-ingat ang Elasto Painters sa TeleTech Titans na nais magparamdam ng kanilang presenya matapos ang mahinang simula sa 1-3 kartada kung saan katabla nila ang Hapee-PCU sa unahan lamang ng kulelat na Harbour Centre na may 0-4 karta. (CVOchoa)

Show comments