^

PSN Palaro

Muli si Vergel

FREE THROWS - AC Zaldivar -
Sa malaon at madali’y manunumbalik ang dating husay ni Vergel Meneses at ito’y makakatulong ng malaki sa kampanya ngTalk N Text sa Gran Matador-PBA Fiesta Conference.

Ito ang inaasahan ni coach Derick Pumaren nang kunin niya ang manlalarong tinaguriang "The Aerial Voyager." Sa tutoo lang, kabisado naman ni Pumaren si Meneses na naging player niya noong sila’y nasa Sunkist Orange pa. Hindi nga ba’t dalawang kampeonato din ang kanilang napanalunan noon?

Kaya naman kahit na isang conference na nabakante si Meneses ay sinugalan siya ni Pumaren. Alam niyang may ibubuga pa ito.

E, kung tutuusin nga’y kasabay lang ni Meneses ang isa pang Talk N Text superstar na si Victor Pablo. Silang dalawa’y nagkasabay sa Philippine Youth Team na hinawakan ni Edmundo Badolato.

So, kung magkasing-edad lang sina Meneses at Pablo, walang dahilan para sabihin wala nang ibubuga si Meneses. kasi nga, si Pablo ay gumagawa pa ng double figures sa scoring para sa Phone Pals.

Puwes, nang magkaroon ng injury si Pablo, si Meneses ang siyang pumuno sa puwestong binakante nito. At nakapagtala naman ng magandang numero si Meneses nang gumawa siya ng 10 puntos, dalawang rebounds at tatlong assists nang patirin ng Phone Pals ang four-game winning streak ng Coca-Cola, 101-82.

Iyon ang unang pagkakataong nagrehistro ng double figures sa scoring si Meneses sa kanyang bagong team. Bago iyon ay nagtala siya ng dalawang puntos laban sa Ginebra at dalawa rin laban sa Air21. Nabokya siya laban sa Purefoods sa kanilang game sa Hong Kong at sa Alaska Aces.

Sa unang limang laro niya sa Talk N Text, si Meneses ay nag-average ng 2.8 puntos, 2.6 rebounds, 1.8 assists at isang error sa 13.8 minuto. Tiyak na tataas pa ito.

Kaya naman kahit na anong downplay pa ang gawin ng ilang miyembro ng Talk N Text coaching staff hinggil sa tunay na lakas ng Phone Pals, walang gustong maniwala. Kasi nga’y kumpara sa nakaraang conference, talaga namang mas malakas ang line-up nila ngayon.

Hindi pa nga lang nagiging solid ang Phone Pals. Isa pa’y hindi pa sila nakapag-aadjust sa sistema ni Pumaren dahil sa depensa ang pinatatatag nito. Ito’y taliwas sa dating sistema ng Talk N Text na itinuturing na isang offense-oriented team.

Ngayon, kung marami na ang kamador ng Talk N Text at mahusay pa silang dumepensa, aba’y mahihirapan talaga ang kanilang kalaban kapag nag-jell na sila.

Kaya naman kahit na masama ang naging umpisa nila sa Philippine Cup, hindi pa rin puwedeng burahin ang tag nila bilang isa sa mga paboritong koponan.

Isang bagay ang tiyak. Kapag nagtuluy-tuloy ang pagbabalik ng porma ni Meneses, malamang na tuluy-tuloy din sa kampeonato ang Phone Pals.

At si Meneses ang itatanghal na Comeback Player of the Year!

AERIAL VOYAGER

ALASKA ACES

COMEBACK PLAYER OF THE YEAR

DERICK PUMAREN

EDMUNDO BADOLATO

KAYA

MENESES

PHONE PALS

PUMAREN

TALK N TEXT

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with